Perpetual makikigulo sa itaas

Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)

10 a.m. JRU vs AU (Jrs)

12 nn. Mapua vs Perpetual (Jrs)

2 p.m. JRU vs AU (Srs)

4 p.m. Mapua vs Perpetual (Srs)

MANILA, Philippines – Magkakaroon ng pagkakataon ang Perpetual Help Altas na makasalo sa liderato sa pagharap sa Mapua Cardinals sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ang pagkatalo ng Letran Knights sa San Sebastian Stags, 89-87, noong Martes na sinabayan pa ng pagkapanalo ng five-time defending champion San Beda Red Lions sa Emilio Aguinaldo College Gene­rals, 96-84, ang nagbukas ng pagkakataon sa Altas na makasosyo sa liderato kapag tinalo ang Cardinals sa alas-2 ng hapon.

Lalayo pa ang Arellano Chiefs sa mga naghahabol sa pang-apat na puwesto kapag dinaig ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.

Tinapos ng tropa ni coach Aric Del Rosario ang first round elimination tangan ang dalawang dikit na panalo ngunit alam ng beteranong mentor na magsisimula pa lamang ang totoong labanan sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.

“Nasa itaas kami pero lahat ng mga nasa ibaba tiyak na gusto nilang manalo para umakyat din sila. Kaya hindi talaga puwedeng magkumpiyansa,” wika ni Del Rosario.

Inaasahang maayos na ang left ankle sprain at back spasm ni Earl Scottie Thompson upang mu­ling makipagtulungan kay Bright Akhuetie.

Hanap naman ng Cardinals ang maitabla ang karta matapos ang 10 laro upang hindi lumayo sa mga hinahabol na mga koponan.

Kakapitan pa ng Chief ang pang-apat na puwesto laban sa Heavy Bombers na gustong salihan ang Arellano sa mahalagang puwesto kung sila ang magwagi.

Sasandalan ng tropa ni coach Jerry Codiñera ang 88-84 panalo sa Lions sa huling laro sa first round.

Si Jiovani Jalalon na hindi lamang sasandalan sa pagbibigay ng liderato sa koponan kungdi maa­asahan din sa pagbuslo ng tres ay tatapat sa nagpa­pasikat na si Bernabe Teo­doro sa labanan ng mga maliliit pero matitinik na guards sa liga. (AT)

Show comments