MANILA, Philippines – Tinapos ng Emilio Aguinaldo College Generals ang dalawang dikit na pagkatalo habang kinapitan pa ng La Salle Archers ang ikatlong puwesto nang nagsipanalo sa Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Matapos magtala ng 35 at 41 puntos sa natalong laro laban sa St. Benilde Blazers at Ateneo Eagles ay nagkaroon lamang ng 18 puntos si Howard Mojica mula sa 13 kills, 4 aces at 1 block.
Ngunit naroroon ngayon ang suporta ng mga kakampi at nalimitahan ng koponan sa 16 ang kanilang errors tungo sa 25-17, 25-23, 25-16 straight sets panalo laban sa UP Maroons.
Naghati sa 12 puntos sina Keith Melliza at Hariel Doguna habang ang liberong si Juviemark Mangaring ay may siyam na digs at limang excellent receptions para maitabla ng NCAA champion EAC ang karta sa 3-3.
Kailangan pa nilang manalo sa La Salle sa pagtatapos ng elimination round sa Setyembre 2 para magkaroon ng playoff sa huling upuan sa Final Four sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Sina John Arjay Onia, Raymark Woo at Mike Anthony Frey ay gumawa ng 15, 14 at 11 puntos para sa Archers na nakitaan ng solidong laro sa magkabilang dulo ng court para sa 25-20, 27-25, 25-11 panalo sa FEU sa ikalawang laro.
Ito ang ikatlong panalo sa limang laro ng La Salle para makabawi rin sa masakit na five-set pagkatalo sa NCBA sa larong kanilang dinomina ang unang dalawang sets.