CEBU, Philippines – Nagpalit ng tatlong manlalaro ang Philippine Azkals para sa gaganaping laro laban sa Uzbekistan sa pagpapatuloy ng FIFA World Cup qualifier sa Setyembre 8 sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan.
Sina goalkeeper Roland Muller at midfielder Paul Mulders ay ibinalik sa koponan at isinama rin si goal keeper Jun-jun Badelic upang palitan sina defender Rob Gier, forward Mark Hartmann at goalkeeper Tomas Trigo.
Ang Fil-German na si Muller ay nakasama ng Azkals sa 2011 Long Teng Cup at 2014 AFC Challenge Cup qualifiers at AFF Suzuki Cup.
Si Mulder na isang Fil-Dutch, ay naglaro sa 2014 AFF Suzuki Cup habang si Badelic ay nakasama sa AFC U-23 Championship at sa 2015 SEA Games sa Singapore.
Ang mga naunang pinangalanan ay sina Armani Aguinaldo, Misagh Bahadoran, Kenshiro Daniels, Patrick Deyto, Neil Etheridge, Juani Guirado, Kevin Ingreso, Jerry Lacuna, Manny Ott, Stephan Palla, Javier Patino, Iain Ramsay, Patrick Reichelt, Simone Rota, Daisuke Sato, Stephan Schrock, Martin Steuble, Dennis Villanueva, Luke Woodland at Phil Younghusband.
Ang lakas ng koponan ay makikita sa tune-up game laban sa Maldives sa Setyembre 3 sa Rizal Memorial Football Field. (AT)