MANILA, Philippines – Hindi pinalad si Fil-Am Eric Cray na umabante sa semifinals nang nabigo siyang tapatan ang personal best at tiyempo sa Singapore SEA Games sa heats ng 400m hurdles sa 2015 World Athletics Championships sa National Stadium sa Beijing, China kagabi.
Ang 27-anyos na si Cray, isang double-gold medalist sa SEA Games noong Hunyo at kauna-unahang atleta ng Pilipinas sa 2016 Rio Olympics, ay naorasan lamang ng mahinang 50.04 segundo tiyempo sa heat four sa limang heats na isinagawa para salain ang 40 mananakbo sa 400m hurdles.
Tumapos si Cray sa ikaanim sa walong naglaban sa nasabing heat at 33rd sa pangkahalatan.
Pasok agad sa semifinals ang apat na nangunang runners sa limang heats at sasamahan sila ng apat na sumunod na runners na may pinakamabilis na oras ng ibang sumabak sa aksyon.
Ito ang ikalawang kompetisyon ni Cray ngayong taon at masasabing pababa na ang kanyang lebel matapos manguna sa 400m hurdles at 100m run sa Singapore SEA Games.
May personal best time sa event na 49.12 segundo, si Cray ay naorasan din ng 49.40 segundo sa Singapore na isang bagong meet record.
Kung naulit ni Cray ang mga tiyempong ito ay makakapasok sana siya sa semifinals.