Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. St. Benilde vs NU
3 p.m. La Salle-Dasma vs FEU
MANILA, Philippines – Inokupahan na ng Ateneo Lady Eagles ang unang upuan sa semifinals sa 25-14, 25-17, 25-19 panalo sa Arellano Lady Chiefs sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 19 kills si Alysssa Valdez para mag-isang kinaya ang buong Lady Chiefs na nagkaroon lamang ng 17 attack points sa kabuuan ng sagupaan.
Naghatid pa ng isang block si Valdez tungo sa 20 puntos bukod sa limang digs habang si Amy Ahomiro ay nagdagdag ng 13 puntos sa 8 kills, 3 blocks at 2 aces.
May walong puntos pa si Jhoanna Maraguinot habang ang liberong si Ella De Jesus ay may walong digs at siyam na excellent receptions at si Gizelle Tan ay gumawa ng 24 excellent sets para sa 5-0 karta ng Ateneo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog pa ng PLDT Home Ultera.
Nalaglag ang Lady Chiefs sa 2-3 karta at walang manlalaro ang koponan na nasa doble-pigura para malagay sa alanganin ang paghahabol ng puwesto sa semis.
Kinapitan naman ng UST Tigresses ang ikalawang puwesto sa 4-1 karta nang daigin ang UP Lady Maroons sa limang mahigpitang sets, 18-25, 25-17, 25-23, 17-25, 15-9 sa unang laro.
Naibalik ng UST ang focus sa laro sa deciding fifth set at sina EJ Laure, Marivic Meneses at ang nagbabalik na si Carmela Tunay at ang guest player na si Carla Sandoval ang mga kumana sa mahalagang puntos upang makakalas sa FEU Lady Tamaraws at National University Bulldogs na dating kasalo sa puwesto.