MANILA, Philippines - Sasandal ang Pilipinas sa bagong tambalan para muling kuminang sa gaganaping 2015 World Cup of Pool sa York Hall, Bethnal Green sa London sa Setyembre.
May 32 bansa ang kasali at Ilalaban ng Pilipinas ang dating number one player sa mundo na sina Carlo Biado at Warren Kiamco.
Pareho silang sasali sa WCP sa unang pagkakataon ngunit tiyak na determinado sila para ibigay sa Pilipinas ang ikaapat na titulo sa torneo.
Sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ay nagkampeon sa WCP ng dalawang beses na nangyari sa unang edisyon noong 2006 sa Wales at noong 2009 nang ginawa ito sa bansa.
Ang ikatlong titulo ay hatid nina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza noong 2013 sa London.
Sina Orcollo at Corteza ay lumahok din noong nakaraang taon sa Portsmouth, England pero nasibak sila sa quarterfinals.
Magbabalik bilang nagdedepensang kampeon sina Karl Boyes at Darren Appleton ng England habang sina Mark Gray at Daryl Peach ang pangalawang panlaban ng host country.
May 17 bansa sa Europe, siyam sa Asia at anim na naka-kategorya bilang ‘rest of the world’ ang kukumpleto sa mga kasali sa torneo na gagawin mula Setyembre 22-27.
Ang mga dating kampeon na sina Thorsten Hohmann at Ralf Souquet (2011) ng Germany at Mika Immonen at Petri Makkonen (2012) ng Finland ay magbabalik din.
Nasa $250,000.00 ang kabuuang premyo na paglalabanan at ang tatanghaling kampeon ay magbubulsa ng $60,000.00.