MANILA, Philippines – Kinolekta ni Earl Scottie Thompson ang kanyang ikatlong triple-double sa season habang 10 sunod na puntos ang ginawa ni Bright Akhuetie sa overtime para ibigay sa Perpetual Help ang 86-83 panalo laban sa Jose Rizal University sa pagtatapos ng 91st NCAA men’s basketball first round elimination kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos si Thompson taglay ang 13 puntos, 13 rebounds at 17 assists sa 44 minutong paglalaro upang suportahan ang 31 puntos at 12 boards ni 6’6 Akhuetie.
Hindi napigil ng depensa ng Bombers ang lakas sa ilalim ni Akhuetie para maisantabi ang 75-78 iskor tungo sa pag-angkin ng ikapitong panalo sa siyam na laro.
“Sinabi ko kay Bright I want to win against JRU. Si Earl, ganyan naman iyan, kung ano magagawa niya ay gagawin niya para sa team,” wika ni Altas coach Aric del Rosario sa mga kamador.
Nagkaroon ng sprained left ankle sa huling laro, hindi uli natapos ni Thompson ang laban dahil sa huling 8.7 segundo ng labanan ay inilabas siya bunga ng back spasm.
May 28 puntos si Bernabe Teodoro at ang kanyang assist kay Dave Sanchez tungo sa isang tres ang nagpatabla sa iskor sa regulation, 73-all, tungo sa limang minutong extension.
Pinalad pa ang Altas na nakasalo ngayon sa ikalawang puwesto sa San Beda Red Lions dahil natalo ang 5-time defending champion sa Arellano Chiefs sa ikalawang laro, 84-88.
Nagsalpak ng apat na krusyal na free throws si Dioncee Holts sa huling 4.1 segundo upang makabawi rin kahit paano ang Chiefs matapos walisin ng San Beda sa finals noong nakaraang taon at ilista ang 6-3 baraha para sa ikaapat na puwesto.
Perpetual Help 86 – Akhuetie 31, Thompson 13, Ylagan 10, Coronel 10, Elopre 8, Eze 7, Dizon 2, Bantayan 2, Cabiltes 2, Oliveria 1, Tamayo 0, Gallardo 0, Sadiwa 0.
Jose Rizal 83 – Teodoro 28, Pontejos 14, Sanchez 11, Grospe 8, dela Paz 6, Abdul Wahab 5, Cruz 4, dela Virgen 3, Astilla 0, Estrella 0.
Quarterscores: 18-all; 33-34; 54-53; 73-all; 86-83.