Pormal nang nagsabi ni Marc Pingris kahapon na hindi siya makakasali sa Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Championships sa China sa susunod na buwan.
Mabuti pa si Pingris nagsabi na.
Malaking kawalan si Pingris sa Gilas dahil nakita natin ang kanyang kakayahan sa loob ng court sa mga nakalipas na mga labanan.
Pero personal niyang desisyon ang hindi pagsali.
Kaya ‘wag natin ito ikagalit.
Ngayon, isa lang ang inaasahan ni coach Tab Baldwin na makasali sa Gilas lineup--at ito ay si June Mar Fajardo.
Injured si Fajardo sa paa at nagsabi nang hindi siya puwede maglaro sa FIBA Asia itong taon na ito.
Pero ano itong narinig ko na may negosasyon daw na nagaganap para makasali pa siya. Eh kung injured siya, ano pa ang pinag-uusapan nila.
Ang basa ko, kaya naman niyang maglaro pero nagda-dalawang isip.
Ang akin lang, bakit hindi pa niya sabihin ang totoo.
Kasi naman, kung talagang ayaw mo o hindi ka puwede, eh di magpasabi ka na “huwag n’yo na akong asahan dahil hindi ako puwede”.
Ano pa ba ang hinihintay nila para sabihing once and for all.
May mga ilan pang players na nagsabing hindi siya puwede this time. Sayang. Kaya lang, ‘wag pilitin ang ayaw.
Si Jimmy Alapag daw mukhang puwede.
Aalis ang Gilas papuntang Estonia bukas para sa isang maikling tournament. Umaasa pa si Baldwin na pagbalik nila ay makikita na niya si Fajardo sa practice.
Eh baka naman umaasa ka sa wala, coach.
Kaya June Mar, please, ‘wag mo nang patagalin pa.
Kahit i-tweet mo na lang. Walang personalan.
Laban o bawi?