MANILA, Philippines - Nakalatag na ang iskedyul ng Gilas Pilipinas para sa darating na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsa, China.
Kaagad makakaharap ng Nationals ni coach Tab Baldwin sa labanan sa Group B ang Palestine sa pagbubukas ng torneo sa Setyembre 23 sa alas-11:45 ng tanghali sa Changsha Social World College Gymnasium.
Lalabanan naman ng Gilas Pilipinas ang Hong Kong sa Setyembre 24 sa alas-9:30 ng gabi at ang Kuwait sa Setyembre 25 sa alas-4:45 ng hapon.
Ang magkakampeon sa torneo ang siyang kakatawan sa Asya para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Sa tournament format, ang top three teams mula sa Group B ang makakasama ng top three squads sa Group A na kinabibilangan ng Iran, Japan, Malaysia at India para mabuo ang Group E. Ang top three naman mula sa Groups C at D ang bubuo sa Group F.
Ang 16-man training pool ay kinabibilangan nina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Mat Ganuelas Rosser at Kelly Williams ng Talk ‘N Text, Asi Taulava at Aldrech Ramos ng NLEX, Terrence Romeo ng Globalport, Gary David ng Meralco, JC Intal ng Barako Bull, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva ng Alaska.
Nasa listahan din ng Gilas sina June Mar Fajardo ng San Miguel, Marc Pingris ng Star at LA Tenorio ng Ginebra.