MANILA, Philippines - Idinepensa ng kampo ni Floyd Mayweather Jr. ang pagpili nito kay Andre Berto para sa sinasabing huli niyang laban kasabay ng pagpaparinig kay Manny Pacquiao.
Sinabi ni Leonard Ellerbe, ang Chief Executive Officer ng Mayweather Promotions na kumpara kay Pacquiao ay hindi magrereklamo ng anumang injury si Berto.
“We know, in fights like that, that Berto isn’t going to sit back, and we know he isn’t going to be complaining about his shoulder. We’ve done seen him fight with one arm,” pagkukumpara ni Ellerbe.
Matatandaang tinalo ni Mayweather si Pacquiao via unanimous decision noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sinabi ng Filipino world eight-division champion na nagkaroon siya ng right shoulder injury sa fourth round ng kanilang upakan ni Mayweather kaya hindi niya ito napabagsak.
Sumailalim si Pacquiao sa surgery noong Mayo 7 at inaasahang makakabalik sa aksyon sa Pebrero o Marso ng susunod na taon.
Marami naman ang tumuligsa sa pagpili ni Mayweather kay Berto, dating world welterweight titlist at naipatalo ang tatlo sa kanyang huling anim na laban.
Nakatakda ang laban nina Mayweather at Berto sa Sept. 12 sa MGM Grand.