MANILA, Philippines – May tsansa ang Gilas Pilipinas na makapaglaro sa Olynmpic Games sa Rio De Janeiro, Brazil sa susunod na taon.
Ito ang paniniwala ni 6-foot-11 naturalized player Andray Blatche na gagabayan ang Gilas PIlipinas sa pagsabak sa 2015 FIBA Asia Championship sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 sa Changsa, China.
Ang magkakampeon sa naturang qualifying tournament ang kakatawan sa Asya sa 2016 Rio Olympics.
Ibinase ni Blatche ang kanyang pahayag sa naobserbahan niya sa paglalaro para sa sa Xinjiang Flying Tigers sa Chinese Basketball Association.
“I know a lot of players there. As long as we put the work in, (we’ll be okay against them),” wika ni Blatche.
Ang Chinese ang isa sa mga top favorites sa 2015 FIBA Asia Championship.
“They’re strong and so are we,” pagkukumpara ni Blatche sa China at sa Gilas PIlipinas.
Inaasahang magdodomina ang nine-year NBA veteran sa FIBA Asia Championship matapos ang una niyang season sa CBA.
Sa Chinese league ay nagposte si Blatche ng mga averages na 31.1 points, 14.6 rebounds, 5.1 assists at 2.8 steals per game.
Tila mataba si Blatche nang sumama sa ensayo ng Nationals sa Meralco Gym noong Lunes ng gabi.
Ngunit hindi ito malaking isyu.
“He’s been a whole lot off coming from a long off-season (in the CBA) and that’s natural to happen especially as he’s been caring for his mother and hasn’t have time to get the necessary work done,” wika ni Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin sa kondisyon ni Blatche.
“But we have time. By September, he’ll be in pretty good shape,” dagdag pa nito.
Sa kabila ng pagiging overweight ay ipinakita pa rin ng dating player ng Brooklyn Nets ang kanyang pamatay na kilos.
Si Blatche ang isa sa mga best performers noong 2014 FIBA World Cup.
Kumamada siya ng mga averages na 21.2 points at 13.8 rebounds a game para sa kampanya ng Gilas PIlipinas.
Nagtala siya ng 18 markers at 14 boards sa 81-79 overtime win ng Nationals laban sa Senegal.
Ito ang unang panalo ng Pilipinas sa FIBA World Cup matapos ang 40 taon.