36 gold medals hinakot ng PSL tankers sa Singapore meet

Ang paglangoy ni Micaela Jasmine Mojdeh ng PSL patungo sa gold medal.  

SINGAPORE -- Umabot na sa 36 ang gintong me­dalyang nahahakot ng delegasyon para mahigitan ang target na 30 gold medals.

Ito ay matapos sumikwat si Micaela Jasmine Mojdeh ng tatlong gintong medalya bukod pa sa pagkakasama sa hanay ng mga swimmers ng Philippine Swimming League (PSL) na bumura ng records sa 2015 Singapore Invitational Swimming Championship sa Singapore Island Country Club (SICC) dito.

Ang mag-aaral ng Immaculate Heart of Mary College ay kumuha ng tatlong ginto at ito ay kanyang pinatingkad sa pagtatala ng bagong marka sa girls’ 8-9 100m breaststroke at 50m butterfly.

Naorasan si Mojdeh ng 1:34.89 sa 100m breaststroke upang baguhin ang dating record na 1:35.47 ni Eli­zabeth Lee ng Singapore noong 2010.

May tiyempong 36.42 segundo si Mojdeh sa 50m butterfly para ibaon ang marka ni Natasha Em ng Ger­ma­ny na 36.62 noong 2009 edisyon.

Dinagdagan din ni Sean Terence Zamora ang mga records na ginawa nang lumangoy ng dalawang bagong records para itaas sa lima ang mga sinira.

Ang UST tanker na si Zamora ay naorasan ng 2:16.75 sa boys’ 14-15 200m IM para baguhin ang 2:21.17 marka na hawak ng Asian Games gold medalist at multi-titled SEA Games medalist na si Joseph Schoo­ling ng Singapore.

Nagposte pa ng  55.78 segundo si Zamora sa 100m freestyle para tabunan ang 56.31 segundo ni Zhen Ren ng China.

Si Kyla Soguilon ay nagwagi ng tatlong ginto sa girls’ 10-11 100m freestyle (1:07.98), 50m butterfly (32.97) at 100m freestyle (1:07.98) para tulungan ang delegasyon na manalo pa ng 14 gintong medalya.

“Jasmine Mojdeh was fantastic, every instructions given she followed it exactly, she is indeed matured and veteran international swimmer at the age of 9 years old. Amazing , they are amazing swimmers,” pahayag ni PSL president Susan Papa.

Nag-ambag rin ng gintong medalya sa kanilang mga events sina Wissenheimer Academy tanker Marc Bryan Dula (boys’ 8-9 50m butterfly, 38.86), Aalia Jaire Espejo (girls’ 12-13 100m breaststroke, 1:31.16), Stephen Guzman (boys’ 10-11 50m butterfly, 33.82), Martin Jacob Pu­pos (boys’ 16-17 50m butterfly, 28.67), Luis Joaquin Ven­tura (boys’ 10-11 100m breaststroke, 1:32.04), Gian­na Data (girls’ 16-17 100m breaststoke, 1:31.17) at ang girls’ 16-17 200m medley relay team nina Gianna Data, Isis Arnaldo, Aubrey Ybane at Sophia Castillo.

 

Show comments