MANILA, Philippines – Dinomina nina SEA Games silver medalist at Philippine National Team member Mervin Guarte at Milo APEX Running Clinic coach Janette Agura ang kanilang mga dibisyon sa 21-kilometer event sa 39th National Milo Marathon qualifying leg sa Calapan kahapon.
Nagsumite si Guarte ng bilis na 01:12:12 para talunin sina Jujet De Asis (01:14:56) at Roel Galvero (01:15:34) sa men’s category.
Nagreyna naman si Agura sa women’s class nang maglista ng tiyempong 01:38:33 para unahan sina Jenny Manansala (02:03:17) at Herrera Mercy (02:15:47).
Dahil sa kanilang mga panalo ay tumiyak ang 23-anyos na si Guarte at ang 37-anyos na si Agura ng tiket para sa Milo National Finals sa Disyembrte 6 sa Angeles, Pampanga kung saan kikilalanin ang Milo Marathon King at Queen.
Ang magiging Milo National Marathon King at Queen ay may tsansang makalahok sa 2016 Boston Marathon.
It ang unang pagkakataon na tumakbo si Guarte sa 21K category matapos sumabak sa 5K at 10K events.
Pumuwesto naman sa Top 10 si Agura ng Lipa City, Batangas noong 2013 Milo Marathon National Finals.
Bukod sa kanyang personal training ay tumatayo ring coach si Agura sa De La Salle-Lipa.
Sina Guarte at Agura ay kapwa nagbulsa ng premyong P50,000.
Dadalhin ang mga qualifying legs ng Milo sa Lipa (Agosto 9), Naga (Agosto 16), Lucena (Agosto 30), Iloilo (Setyembre 20), Bacolod (Setyembre 27), Tagbilaran (Oktubre 4), Cebu (Oktubre 11), General Santos (Oktubre 18), Davao (Nobyembre 8), Butuan (Nobyembre 15) at sa Cagayan De Oro (Nobyembre 22).