MANILA, Philippines – Magkaiba man ang rutang tinahak ay pareho pa ring umabante ang Manila West at Manila North nang walang talo sa 2015 FIBA 3X3 World Tour Manila Masters pool elimination kagabi sa Robinson’s Place Manila.
Nakitang muli ang galing nina Terrence Romeo, Niño ‘KG’ Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos para sa Manila West nang talunin nila ang Auckland New Zealand, 21-18, at ang Manila South, 21-14, sa Pool D.
Nanguna rin ang Manila North nina Vic Manuel, Calvin Abueva, Karl Dehesa at Troy Rosario sa Pool B.
Sinandalan ng koponan ang pulso ni Manuel sa free throw line para maitakas ang 20-18 tagumpay sa Beirut Lebanon bago kinapitan ang tip-in ni Rosario upang makumpleto ang come-from-behind 17-16 win sa dating world champion na Ljublijana Slovenia.
Walong koponan mula sa 12 kasali ang umabante sa knockout round na gagawin ngayong hapon para madetermina ang magiging kampeon sa yugto.
Lalabanan ng Manila North ang Kobe Japan na pumangalawa sa Pool C sa alas-2:45 ng hapon, habang sasagupain ng Manila West ang Longshi China na second placer sa Pool A.
Sakaling manalo ang Manila West at ang Manila North ay makakatiyak na isa sa kanila ang papasok sa Finals at maglalaro sa World Tour Finals sa Abu Dahbi na nakatakda sa Oktubre 15 at 16.
Ang Finals ay gagawin sa alas-5:30 ng hapon.