Cignal HD Spikers B asam ang semis sa Challenge Cup

MANILA, Philippines - Matapos maging unang koponang sumikwat ng quar­terfinals seat, hangad na­man nina Wensh Tiu at April Ross Hingpit ng Cig­nal HD Spikers B na mai­bulsa ang unang semifi­nals ticket.

Lalabanan ng Cignal Spikers HD B ang Meralco ngayong alas-2:30 ng ha­pon sa quarterfinal round ng PLDT Home Ultera Phi­­lip­pine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na pinalakas ng Smart Live More sa SM By the Bay sa SM Mall of Asia.

Kaagad pinitas nina Tiu at Hingpit ang unang quar­terfinals berth nang ku­mamada ng dalawang su­nod na panalo sa pagbu­bukas ng torneo noong Hul­yo 18.

Kinuha ng Cignal HD Spi­kers B ang 21-16, 21-13 panalo laban sa Petron Sprint 4T bago iposte ang 21-12, 21-12 tagumpay kontra sa Accel Quantum Plus-Perpetual Molino B.

Samantala, makakatapat ng Foton Tornadoes ang Philips Gold sa alas-4 kasunod ang paghaharap ng Amy’s at Gilligan’s sa alas-4:40 sa torneong inorganisa ng SportsCore katuwang ang Accel, Sands By the Bay at Maynilad.

Mapapanood din sa mga aksyong isasaere ng TV 5 ang laban ng Foton Hurricane at Petron XCS sa alas-3:20.

Show comments