Knights itinuloy ang arangkada sa NCAA

Hindi napigilan ni Essono Guy Mellon Mbida ng Lyceum ang atake ni Allwell Oraeme ng Mapua sa aksyon sa 91st NCAA. Joey Mendoza

MANILA, Philippines - Hindi pa rin bumababa ang  laro ng ‘Big Three’ ng Letran Knights para isulong ang winning streak sa  anim na sunod sa 77-68 panalo sa Arellano Chiefs sa 91st NCAA men’s basketball ka­gabi sa The Arena sa San Juan City.

Si Kevin Racal ay may season-high na 24 puntos, si Rey Nambatac ay may double-double sa 13 puntos at 10 rebounds, habang si Mark Cruz ay tumapos na may siyam na puntos, kasama ang krusyal na triple, para wakasan ang apat na sunod na tagumpay ng Chiefs.

Siyam  na puntos ang gi­nawa ni Racal sa ikatlong yugto upang pagningasin ang 20-8 palitan para ilayo sa 62-48 ang Knights papasok sa huling yugto.

Sa tatlong triples ni Zach Nicholls ay nakadikit ang Chiefs sa 68-71 sa pag­pasok ng huling dalawang minuto.

Pero pinalamig ni Cruz ang pagbangon ng Chiefs nang isalpak ang panga­lawang tres para tuluyang iwanan ang katunggali.

Kinailangan naman ng Mapua Cardinals na magi­sing sa huling yugto upang mailista ang ikatlong panalo sa anim na laro sa 109-95 paggupo sa Lyceum Pirates.

Si Allwell Oraeme ay may season-high na 26 points, 20 rebounds at 5 blocks at siya ang naghatid ng huling walong puntos ng Cardinals.

Bago ito ay nakuha ng Emilio Aguinaldo College Ge­­nerals ang kanilang unang panalo sa 77-71 ta­gumpay sa San Sebastian Stags.

 

Show comments