CLEVELAND – Mananatili si point guard Matthew Dellavedova sa Cavaliers.
Lumagda si Dellavedova, naging bayani sa postseason matapos magkaroon ng injury si All-Star guard Kyrie Irving, ng $1.2 million contract para sa susunod na season.
Muling makakasama ni Dellavedova sina LeBron James, Kevin Love,Iman Shumpert at James Jones sa darating na kampanya ng Cavaliers.
Naging isang restricted free agent si Dellavedova at kahit kinuha ng Cavaliers si Mo Williams para maging primary backup ni Irving ay ginusto ng koponan na panatilihin si Dellavedova.
Pumayag si Dellavedova sa qualifying offer ng Cleveland at siya ay magiging unrestricted free agent sa susunod na season
Tumanggap siya ng $816,000 sa nakaraang season.
Sa pag-upo ni Irving, umiskor si Dellavedova ng 19 points sa series-clinching win laban sa Chicago Bulls sa second round at tumipa ng 20 points sa Game 3 sa NBA Finals laban sa nagharing Golden State Warriors.
Nakita sa 67 games sa regular season, nagposte si Dellavedova ng mga averages na 4.8 points, 3.0 assists at 1.9 rebounds, habang sa playoffs ay naglista siya ng 7.2 points at 2.7 assists per game.
Inaasahan ding muling kukunin ng Cavaliers sina free agents Tristan Thompson at J.R. Smith.
Sa Indianapolis, muling pinalagda ng Indiana Pacers sina forwards Lavoy Allen at Shayne Whittington.
Pinapirma rin ng Pacers si swingman Glenn Robinson III sa isang three-year deal at nakuha si second-round pick Rakeem Christmas.
Pumayag si Allen sa multiyear deal na nagkakahalaga ng $3 milyon.
Naglista siya ng mga averages na 5.0 points at 4.8 rebounds sa kanyang five-year career.
Nakita naman si Whittington sa 20 games sa nakaraang season bilang isang undrafted free agent.
Sumalang siya para sa Pacers sa nakaraang NBA Summer League.
Nakuha naman si Christmas mula sa isang trade sa Cleveland noong nakaraang linggo.