MANILA, Philippines – Ang upuan sa quarterfinals ang paglalabanan ng National University Bulldogs at NCBA Wildcats, habang ang St. Benilde Blazers at La Salle Archers ay magbabalak sa kanilang pangalawang panalo sa Spikers’ Turf Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang labanan ng Bulldogs at Wildcats ay mangyayari sa alas-3 ng hapon at ang magwawagi ay makakasalo ng walang talong Emilio Aguinaldo College Generals sa quarterfinals bitbit ang 3-0 karta.
Ang UAAP champion Ateneo Eagles ay pasok na rin sa quarterfinals mula sa 3-0 karta sa Group B.
Ipaparadang muli ng Bulldogs ang galing nina Fauzi Ismail at Bryan Bagunas pero may pantapat ang Wildcats sa katauhan ng mga guest players na sina Edwin Tolentino at Reyson Fuentes.
Sina Tolentino at Fuentes ay mga dating manlalaro rin ng Bulldogs at ang kaalaman sa kilos ng mga katunggali ay maaaring maging bentahe para sa Wildcats.
Samantala, lalapit pa ang St. Benilde at La Salle sa puwesto sa susunod na yugto sa pag-asinta ng panalo sa hiwalay na laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Ang Blazers at Chiefs ay magtutuos sa ganap na ala-1 ng hapon, habang ang tagisan ng Green Archers at Patriots ay sa alas-5.
Kung magwawagi ang Blazers at ang Green Archers ay sasaluhan nila sa pangalawang puwesto ang pahingang UP Maroons na natalo via straight sets sa Blue Eagles noong nakaraang Huwebes.