MANILA, Philippines - Itinaas pa ng UP Lady Maroons at UST Tigresses ang paghahabol ng puwesto sa susunod na round nang kumuha ng mga panalo sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Maria Lina Isabel Molde ay tumapos bitbit ang 19 kills at dalawang aces tungo sa 21 puntos habang si Justine Dorog ay mayroong 18 kills upang tulungan ang Lady Maroons sa 68-37 bentahe sa attack points at itakas ang 24-26, 25-19, 25-19, 25-20 panalo sa University of Batangas Mighty Brahmans.
May 17 puntos pa si Diana Mae Carlos at 10 pa ang hatid ni Marian Alisa Buitre upang angkinin ng UP ang ikalawang sunod na panalo matapos ang tatlong laro at saluhan ang NU Lady Bulldogs at Arellano Lady Chiefs sa pangalawang puwesto sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Kasalo ng Mighty Brahmans sa 0-3 karta ang PUP Lady Radicals para ibigay na rin sa FEU Lady Tamaraws ang unang upuan sa quarterfinals.
Humugot ng magandang laro ang Tigresses sa kanilang mga starters lalo na sa fifth set para maipagpag ang palaban pero kinapos na St. Benilde Lady Blazers, 25-12, 17-25, 25-21, 26-28, 15-7 sa ikalawang laro.
Sina Carmela Tunay, Jessey de Leon, Pamela Lastimosa, Marivic Meneses at Ennajie Laure ay gumawa ng 15, 14, 12, 12 at 12 puntos para makatabla sa pangalawang puwesto sa Group B ang Lady Blazers sa 2-1 baraha.