Hawks top seed sa East; Rockets pasok na sa playoffs

ATLANTA — Matapos kunin ang top seed sa Eastern Conference playoffs sa ikalawang pagkakataon sa Atlanta franchise history, pag-iisipan ngayon ng Hawks ang kanilang gagawin sa huling bahagi ng regular season.

Hindi na ito bago para sa Hawks na nakapasok sa nakaraang NBA playoffs bilang No. 8 seed.

Umiskor si DeMarre Carroll ng 24 points at dinomina ng Hawks ang Miami Heat, 99-86.

Ilang minuto matapos ang laro ay nakamit ng Atlanta ang No. 1 spot sa Eastern Conference nang talunin ng Brooklyn Nets ang Cleveland Cavaliers, 106-98, na nagbigay ng home-court advantage sa conference playoffs sa Atlanta.

Nagdagdag si point guard Dennis Schroeder ng 12 points at 11 assists, habang may 21 points si Paul Millsap at nagdagdag ng 11 si Al Horford para sa Hawks, may natitira pang 11 laro sa regular season.

Nakahugot naman ang Heat, pang-pito sa East, ng 13 points kay D­wyane Wade na nagbalik sa aksyon matapos magkaroon ng swollen left knee.

Humakot si Luol Deng ng 17 points at 10 rebounds para pangunahan ang Mia­mi.

Sa Houston, inangkin ng Rockets ang isang playoff seat matapos talunin ang Minnesota Timberwolves, 120-110.

Kumolekta si James Harden ng 33 points at 8 assists para banderahan ang Houston.

Sa iba pang laro, tinalo ng Detroit ang Orlando, 111-97; binigo ng LA Clippers ang Philadelphia, 119-98; pinatumba ng Washington ang Charlotte, 110-107; pinahiya ng Boston ang New York, 96-92; dinaig ng Toronto ang LA Lakers, 94-83; at pinabagsak ng Golden State ang Memphis, 107-84.

Show comments