Pacquiao pinadugo ang ilong ng sparring mate

MANILA, Philippines – Patuloy na nagpapakita ng lakas si Manny Pacquiao sa pagpapatuloy ng kanyang training sa Wild Card Gym, patunay dito ang pananalasa niya sa kanyang sparring mate.

Ayon sa ulat ni Eddie Alinea ng Philboxing.com, sinabi ng long time trainer at best friend ni Pacquiao na si Buboy Fernandez na nakaapat na rounds ang eight-division champion ng sparring laban kay Keandre Gibson at apat pang muli kontra kay Kenneth Sims Jr.

Si Sims ang napuruhan sa sparring session matapos tamaan ng left straight ni Pacquiao dahilan upang dumugo ang ilong niya.

“I just forgot the exact round and time when our fighting congressman smashed the nose of his sparring partner with his whopping left straight. Blood started flowing from his nose,” wika ni Fernandez.

Nalalapit na ang pinakaaabangang bakbakan sa kasaysayan ng boksing na gaganapin sa Mayo 2 (Mayo 3 sa Pilipinas) sa MGM Grand, Las Vegas.

Ikinatutuwa rin ni Fernandez ang nakuha nilang sparring mates para kay Pacquiao na aniya ay magandang tulong sa kanilang paghahanda.

“They were young, fast and strong and they have the ability to mimic Mayweather’s fighting style.”
 

Show comments