Laro Ngayon (Alonte Sports Arena Binan, Laguna)
4:15 pm Petron vs Foton
6:15 pm Shopinas vs Mane ‘N Tail
MANILA, Philippines – Magsusukatan ang mga nanalo sa pagbubukas ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference na Petron Lady Blaze Spikers at Foton Tornadoes para sa liderato na gagawin ngayon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Sa ganap na alas-4:15 ng hapon ito mapapanood at susundan ng unang pagtutuos ng baguhang koponang Shopinas Lady Clickers at Mane ‘N Tail Lady Stallions.
Ang Lady Clickers ay binubuo ng mga dating nagsama-sama sa AirAsia at Generika para ipalagay na palaban sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Nawala lang sa Shopinas sina Aby Maraño, Michelle Gumabao at Melissa Gothing pero nakikinabang rito ang ibang players dahil mas mabibigyan sila ng playing time upang maipakita ang angking galing.
Sa pangunguna ni Dindin Santiago-Manabat ay nakuha ng Petron ang unang panalo sa pamamagitan ng 25-16, 25-18, 25-23, laban sa Philips Gold.
Mas titikas pa ang koponan dahil inaasahang maglalaro na si Rachel Ann Daquis.
Ipantatapat ng Tornadoes ang lakas ng mga batang manlalaro na sina Angeli Araneta, Pamela Lastimosa, Nicole Tiamzon at Patty Orendain.