CHICAGO – Tumiyak ng playoff spot ang Chicago Bulls matapos magbida sina Nikola Mirotic at Pau Gasol sa kanilang 98-86 panalo laban sa Charlotte Hornets.
Humugot si Mirotic ng 14 sa kanyang 28 points sa fourth quarter para sa pagsikwat ng Bulls sa isang playoff spot.
Kumolekta si Gasol ng 27 points at 12 rebounds sa pagtabla ng Chicago sa Toronto sa third place sa Eastern Conference.
Ipinagdiwang din ng Bulls ang pagbabalik ni Jimmy Butler sa court.
Nagdagdag si Butler ng 19 points mula sa 6-of-20 shooting matapos magpahinga ng 11 laro bunga ng sprained left elbow.
Umiskor naman si Kemba Walker ng 29 points at may 15 si Mo Williams sa panig ng Hornets.
Sa New York, inangkin ng Memphis Grizzlies ang isang playoff spot sa ika-limang sunod na season nang pabagsakin ang host team, 103-82.
Umiskor si Zach Randolph ng 23 points at may 21 si Marc Gasol para sa pangatlong sunod na panalo ng Grizzlies.
Nag-ambag si Vince Carter ng 14 points, habang may 12 si Jeff Green at 10 si Kosta Koufos.
Napuwersa ang New York (14-57) sa 17 turnovers para sa kanilang ikaapat na dikit na kamalasan.