National Open Torres, Thomas kumubra ng ginto

Pinatunayan ni Marestella Torres na puwede pa siyang isabak sa 2015 SEAG nang kunin ang ginto sa record breaking na talon sa National Open. STAR/Joey

STA. CRUZ, Laguna, Philippines -- Nagparamdam pa si Ma­restella Torres ng kahandaan na manalo ng ginto sa long jump habang ipinakita  ng Fil-Am na si Brandon Thomas ang masidhing determinasyon na mapabilang sa national team sa pagpapatuloy ng Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex dito.

Ang 34-anyos na si Torres, two-time Olympian at four-time SEAG gold medalist, ay may golden leap na 6.47m para  higitan din ang 6.39m na itinala ni Maria Natalia Londa ng Indonesia nang kinuha ang ginto sa 2013 Myanmar SEAG.

Ang ipinakita ay nagpataas ng morale ni Torres na noong 2014 Asiad ay hindi nakapagtala ng anumang marka dahil foul siya sa lahat ng tatlong attempts.

“Last year, wala pa ang confidence at consistency ko dahil kababalik ko. Ito ang firs tournament ko this year at 70 percent pa lang ako pero marami pang tournaments akong sasalihan. Kaya by Singapore SEAG nasa peak na ako at tingin ko kaya kong higitan ang 6.71m personal best ko,” wika ni Torres, ang SEAG at Philippine record holder.

Si Thomas na nagba­yad ng sariling pamasahe para mag-tryout sa national team sa kompetisyong inor­ganisa ng PATAFA at suportado ni Laguna Go­vernor Ramil Hernandez, ay nagdomina sa 100m run sa tiyempong 10.80 oras.

Tinalo lamang ng 24-anyos Fil-Am ng siyam na milliseconds sI Eddie Edward Jr. ng  Sabah, Malaysia (10.89) at nagawa niya ito kahit dumanas ng pulled hamstring sa kaliwang binti.

Sumubsob pa si Tho­mas matapos tumawid sa meta at halos 20 minuto siyang namalagi sa medical  tent para lagyan ng yelo ang binti.

“I have had hamstring issues before but this is the worst. I have been here before many times and I bounce back pretty good. I can see myself coming back for the 4x100 relay in the SEA Games,” pahayag ni Thomas na babalik ng US ngayong araw.

Ang kompetisyong ito ay may suporta rin ng Philippine Sports Commission (PSC) bukod pa sa Laguna Water, Pacific Online Scratch it KaskaSwerte, Papa John’s, Foton Philippines, PCSO, Smart, PLDT, Summit Natural Drinking Water, SSS, PAGCOR, Milo, Gatorade, L TimeStudio at Asics Watch.

Show comments