MANILA, Philippines – Sa nakaraang dalawang sunod na panalo ng San Miguel ay si one-time PBA Most Valuable Player Arwind Santos ang bumandera para buhayin ang kanilang tsansa sa eight-team quarterfinals cast ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Nagtala ang 6-foot-4 wingman ng 22 points, tampok ang 4-of-5 shooting sa three-point arc, bukod sa 13 rebounds para igiya ang Beermen sa 102-91 panalo laban sa Barako Bull Energy bago ang All-Star break.
Matapos ang All-Star break, tumirada ang dating Far Eastern University standout ng 18 points at nakipagtuwang kina import Arizona Reid at June Mar Fajardo sa kanilang ratsada sa second half para ihatid ang San Miguel sa 129-114 paggiba sa Rain or Shine noong Marso 13.
Dahil sa kanyang kabayanihan ay hinirang si Santos bilang Accel-PBA Press Corps. Player of the Week at tinalo si Fajardo at sina Asi Taulava at Niño Canaleta ng NLEX.
“Dikit-dikit din kasi ang mga teams sa standings, kahit nga Blackwater puwede pa pumasok sa quarterfinals kung magtatatalo yung ibang teams sa itaas. So kami, may tsansa pa naman,” wika ni Santos.
Bagama’t tatlong panalo pa lamang ang naitatala ng Beermen sa torneo, kumpiyansa pa rin si Santos na maipapanalo nila ang huli nilang dalawang elimination-round assignments para makakuha ng playoff seat sa quarterfinals.
“Basta naman mag-stay together lang kami, gaya ng laging sinasabi ni coach. Kahit paano, may konting liwanag pa,” ani Santos.
Lalabanan ng San Miguel ang Talk ‘N Text bukas bago isara ang kanilang single-round elimination kontra sa Globalport sa susunod na linggo.