Sweet 16 sa Ateneo umukit ng kasaysayan sa UAAP women’s volleyball

Nagbunyi ang koponan ng Ateneo Lady Eagles matapos isubi ang kanilang ikalawang sunod na korona makaraang itarak ang 16-0 sweep laban sa La Salle Lady Spikers sa Game 2 ng UAAP women’s volleyball. Joey Mendoza

MANILA, Philippines – Hindi na pinakawalan pa ng Ateneo Lady Eagles ang pagkakataong makikilala bilang isa sa pinakamahu­say na koponan sa UAAP women’s volleyball nang kumpletuhin ang 16-0 sweep sa pamamagitan ng 25-22, 25-17, 25-23, straight sets panalo laban sa La Salle Lady Spikers sa Mall of Asia  Arena sa Pasay City kahapon.

Umabot sa 20,705 ang taong nanood ng Game Two sa finals at naipamalas ng Lady Eagles ang ipinag­mamalaking team work para maisantabi ang mas magandang hamon na ipinakita ng determinado pero kinapos pa ring Lady Spikers.

May nangungunang 20 puntos si Valdez na nagmula sa 19 kills at isang block, ngunit ang mga kakamping sina Michelle Morente, Bea De Leon at Amy Ahomiro ay naghatid sa kabuuang 30 puntos para sa balanseng pag-atake.

Si Julia Morado ay gumawa ng  32 excellent sets mula sa 84 total attempts at wala siyang naging problema kung saan dadalhin ang bola dahil gumana ang lahat ng mga spikers ng koponan.

Tila kulang pa ito para sa manlalarong itinanghal bilang Best Setter ng liga dahil siya ang umako sa huling dalawang puntos ng laro para ibigay ang perpektong taon sa Ateneo tungo sa back-to-back championships.

Ang block ni Mary Joy Baron kay Valdez ang nagdikit sa Lady Spikers sa 22-23 ngunit nagawang ipasok ni Morado ang patalikod na tapik sa bola para bigyan ng double match point ang Ateneo.

Nabawi ng La Salle ang isa pero natapik uli ni Morado ang bola mula sa magandang receive ni Ella de Jesus tungo sa malaking selebrasyon ng mga panatiko ng Ateneo.

“Every championship, iba ang feeling. This year, may pressure but we played as a team at masaya kaming naglaro,” wika ni Valdez na bago ang laro ay tinanggap ang kanyang pangalawang Season MVP bukod pa ang pagiging Best Scorer at Best Server.

Hindi niya sinolo ang kredito sa pagkapanalo ng ko­ponan dahil tinuran din niya ang mga kakampi lalo na si Morado na siya umanong nagdala sa Lady Eagles.

Ang sweep ay magandang pamamaalam rin para kina libero Denise Lazaro, De Jesus at Aeriel Patnongon na ga-graduate na.

Si Lazaro ay may 16 excellent digs bukod sa walong excellent receptions habang si De Jesus ay mayroon pang pitong digs sa kanilang huling laro sa liga.

Ito ang ikaanim na sunod na pagkatalo ng La Salle sa Ateneo na nagsimula sa huling dalawang laro sa Finals noong 2014.

Bigo man ay taas noo pa ring nilisan ng Lady  Spikers ang venue dahil ginawa nila ang lahat ng makakaya pero sobra-sobra ang pagkawala ng team captain at kamador  na  si Ara Galang para makasabay sa malakas na puwersa tulad ng Ateneo.

Ang bagitong si Baron ang nanguna sa Lady  Spi­kers tangan ang siyam na hits lamang.

Show comments