MANILA, Philippines - Nagbabalak ang Winter Olympic veteran na si Michael Martinez na sumali sa World Figure Skating Championships sa Shanghai, China mula Marso 23 hanggang 29.
Isinumite na ni Martinez ang entry form sa short program at ang mangungunang 24 na skaters ay aabante sa free skate na siyang final round ng kompetisyon.
Ang hinihintay ng 18-anyos na si Martinez para ituloy ang pagsali ay nakadepende sa isinasagawang therapy sa nabugbog na kanang balakang at kanang sakong.
Nasa Beijing si Martinez kasama ang kanyang ina na si Teresa para sa therapy bukod sa pagsasanay rin sa ilalim ni Russian coach/choreographer Nilolai Morozov.
“We’re hoping his condition further improves so he can compete at the World Championships,” wika ni Teresa sa isang e-mail.
Malaki ang indikasyon na sasali ang figure skater dahil sa training na isinasagawa ni Morozov, ang coach ni Shizuka Arakawa na nanalo ng ginto sa 2006 Olympics.
Ang World Championships ay gagawin sa 17,923-seat Crown Indoor Stadium sa Oriental Sports Center sa Shanghai at si Martinez ay isa sa 30 nagpatala sa kanyang event.
May kinatawan din ang Pilipinas sa kababaihan at ito ay sa katauhan ni Swiss-born Alisson Krystle Perticheto.
Si Perticheto ay isang silver medalist sa women’s singles sa Skate Helena competition sa Belgrade na ginawa kamakailan. (QH)