MANILA, Philippines – Kung si Fil-American player Treat Huey ang tatanungin, dapat ang koponan na inilaban at nanalo sa Sri Lanka sa Davis Cup ang siyang ipadala rin sa Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo.
“We have a good group and hopefully we can maintain this team for the SEA Games,” wika ni Huey.
Sinabi pa ng Fil-Am netter na kumpiyansa siyang makukuha nila ang mga gintong medalya sa Singapore SEA Games dahil sa kanilang eksperyensa sa Davis Cup.
Nakipagtambal muli si Huey sa nagbabalik na si Francis Casey Alcantara sa doubles para talunin sina Sharmal Dissanayake at Dineshkanthan Thangarajah upang dugtungan ang mga panalo nina Patrick John Tierro at Fil-Am Ruben Gonzales kina Harshana Godamanna at Dissanayake sa mga opening singles.
Sakaling ang koponang ito ang ipadala sa Singapore SEA Games, makakatulong ang makukuhang karanasan para mas tumibay ang hangaring manalo sa Chinese-Taipei sa semifinals ng Asia-Oceania Zone Group II na gagawin sa Taiwan mula Hulyo 17 hanggang 19.
Ito na ang ika-pitong pagtutuos ng Pilipinas at ng Chinese-Taipei.