Sri Lanka ‘di pa rin umubra sa Pinoy Cuppers

MANILA, Philippines – Kinumpleto nina Fil-Am Treat Huey at Francis Casey Alcantara ang magandang panimula na nakuha ng Pilipinas sa naunang dalawang singles nang kunin ang 3-6, 6-3,6-2, 6-4, panalo kina Sharmal Dissanayake at Dineshkanthan Thangarajah ng Sri Lanka sa doubles match ng Davis Cup Asia Oceania Zone Group II tie kahapon sa Valle Verde Golf and Country Club sa Pasig City.

Ginamit nina Huey at Alcantara ang first set para alamin ang laro ng kalaban bago sinimulang itatak ang kanilang husay sa second set tungo sa panalo upang ibigay sa bansa ang ika-siyam na sunod na tagumpay sa Sri Lanka sa kanilang head-to-head sa 3-0 karta sa best-of-five tie.

Ang panalo ay nagtiyak din sa Pilipinas na mana­natili sa Group 2 sa 2016 pero may pagkakataon na umusad pa sa kompetis­yon para sa hanap na upuan sa Group 1 dahil sunod nilang lalabanan ay ang mananalo sa Chinese Taipei at Lebanon sa semifinals sa Hulyo.

“They played really well in the first set and got the early break. We needed to step up our game and we played well after the first game of the second set,” wika ni Huey.

Show comments