MANILA, Philippines – Nakatakdang piliin ngayon ang 16 players sa inisyal na 26 pangalan na bubuo sa Philippine team at isasabak sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Championships at sa Southeast Asian Games.
Gagawin ito matapos ang team practice sa PhilSports Arena.
Sinabi ni SBP deputy executive director for international affairs Butch Antonio na hindi magiging madali ang pagtatanggal sa 10 players dahil “everyone has been impressive.”
Sinimulan ni National coach Tab Baldwin ang four-day tryouts noong Lunes katulong sina assistants Jimmy Alapag, Nash Racela, Josh Reyes at Mike Oliver.
Sa panonood sa tryouts ay kumbinsido si Antonio na magiging malakas ang Philippine basketball sa hinaharap.
Hindi sumama sa ensayo si Naturalized player Marcus Douthit noong Lunes at Martes ngunit nakatakdang sumama sa koponan kagabi.
Si Douthit ang tanging seeded player sa hanay ng 26 players.
Pitong players mula sa Hapee Toothpaste squad na naghari sa PBA D-League Aspirants Cup ang nasa pool.
Ang mga ito ay sina Amer at de la Cruz, Ray Parks, Garvo Lanete, Arnold Van Opstal, Troy Rosario at Scottie Thompson.