Laro sa Sabado (MOA Arena, Pasay City)
2 p.m. NU vs Ateneo
(Men’s finals)
4 p.m. La Salle vs NU (Women’s step-ladder semis)
MANILA, Philippines – Sinandalan ng National University Lady Bulldogs ang magandang pagtutulungan para hiritan ang La Salle Lady Spikers ng 25-20, 25-20, 25-19, straight sets panalo sa ikalawang yugto ng 77th UAAP women’s volleyball step-ladder semifinals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
May 13 puntos si Jaja Santiago pero hindi lang siya ang nagtrabaho dahil nakakuha siya ng suporta kina Myla Pablo, Jorelle Singh, Rizza Mandapat at Desiree Dadang para manatiling buhay ang hangaring makapasok sa Finals.
“In two months time ay nagawa nila ang gusto kong ipagawa sa kanila. Sana magtuluy-tuloy ito para everybody happy,” wika ni coach Roger Gorayeb na pumasok sa koponan noong hawak nila ang 2-3 baraha.
Sina Pablo at Singh ay may 13 at 11 hits at sila ay gumawa ng 11 at 10 kills para bigyan ang NU ng 40-32 bentahe sa attack points.
Ipinakita rin ng koponan ang husay sa blocking at sina Dadang at Santiago ay may lima at tatlong blocks tungo sa 11-9 kalamangan habang si Dadang ay may dalawang service aces pa para bigyan ang Lady Bulldogs ng 5-4 kalamangan sa serve.
Tila ininda naman ng La Salle ang mahabang pahinga dahil tumapos sila sa ikalawang puwesto sa elimination round.
Sina Ara Galang at Cyd Demecillo ay may 14 at 10 hits pero tila nangapa si Mika Reyes na may walong puntos lamang.
Hindi naramdaman ang presensya ni Reyes sa depensa dahil sina Galang at Kim Fajardo ang nanguna rito sa tig-dalawang blocks.
Magtutuos uli ang dalawang koponan sa Sabado para malaman kung sino ang makakalaban ng nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles.
Samantala, nanaig ang Ateneo Eagles sa two-time defending champion NU Bulldogs, 25-19, 30-28, 20-25, 25-22, para lumapit sa isang panalo tungo sa paghablot sa men’s title.
Sumandig ang Eagles sa tikas ni Marck Espejo na gumawa ng season-high 31 puntos tampok dito ang 28 kills, dalawang aces at walong digs.
Kailangan na lang ng Katipunan-based Spikers na manalo sa Sabado para maiukit ang unang titulo sa men’s volleyball.
“Napakaconsistent iyang si Marck sa loob, pag nagkakamali ng isa, may balik agad, so that’s the character of a true MVP. He doesn’t give up offensively and defensively,” pahayag ni Eagles coach coach Oliver Almadra.