BAGUIO CITY, Philippines – Plano na ni Santy Barnachea ng Navy Standard Insurance na magretiro matapos ang taong ito.
Subalit makaraang magkampeon sa ikalawang pagkakataon sa ka-tatapos na Ronda Pilipinas 2015 na inihandog ng LBC ay nagbago ang kanyang isip.
“Bago mag-Ronda sinabi ko na talaga sa mga parents (Santiago at Virginia) ko na magre-retire na ako after this,” sabi ni Barnachea, inangkin ang overall crown at ang premyong P1 milyon ng pinakamalaki at pinakamayamang cycling event sa bansa.
“Siguro magdedepensa muna ako ng title ko next year saka ako magre-retire,” dagdag ng tubong Umingan, Pangasinan.
Si Barnachea ang tanging two-time champion ngayon ng Ronda Pilipinas matapos maghari sa inaugural noong 2011.
Nauna nang nanalo si Barnachea sa Tour of Calabarzon noong 2002 at sa Padyak Pinoy noong 2006.
Nakamit ni Barnachea ang korona ng Ronda Pilipinas 2015 nang hindi nakakakuha ng stage na nangyari rin noong 2011.
“Sa totoo lang, inisip ko lang na makakapasok ako sa top five kasi maraming mga batang magagaling kagaya nina (Mark) Galedo at (Ronald) Oranza,” ani Barnachea.
Sinabi ng siklista na ibabahagi niya ang kanyang premyo sa mga miyembro ng Navy-Standard Insurance.
Bukod kay Barnachea, lima pang Navy riders ang nakapasok sa top 10 overall. Ito ay sina No. 3 Jan Paul Morales, No. 4 Oranza, No. 5 Lloyd Lucien Reynante at No. 10 El Joshua Carino.