Diones triple gold medal winner sa NCAA track and Field event

MANILA, Philippines — Dinomina ni Jose Rizal University star Mark Harry Diones ang dalawang events para maging unang triple gold medal winner sa 90th NCAA track and field competition sa Philsports Complex sa Pasig City.

Bumandera ang 22-anyos na si Diones sa 400-meter dash sa kanyang bilis na 49.38 segundo at pinagharian ang triple jump event sa lundag na 15.92 meters.

Nauna nang nakamit ng JRU athlete ang gintong medalya sa long jump sa opening day.

Tinalo ng Libmanan, Camarines Sur native si Perpetual Help bet Francis Medina at ang kakamping si Raymund Alferos, nagtala ng 49.76 at 49.84 segundo, ayon sa pagkakasunod, para sa pilak at tansong medalya.

Sa triple jump, inungusan niya sina Lyceum pride Ronnie Maglipay at Jolo Bermudo na tumalon ng 15.39m at 15.32m para sa silver at bronze medal.

Humakot ang Kalentong-based school ng kabuuang apat na gold medals.

Nagbida si Dave Albarico sa javelin sa kanyang hagis na 61.16m, samantalang namayani si Alvin Castanares sa 800m sa oras na 2.55.24 para palakasin ang kanilang tsansa sa four-peat feat.

Show comments