MANILA, Philippines - Gintong medalya sa apat na weight divisions ang nakataya sa pagsisimula ng 1st Asia-Pacific Taekwondo Invitational Championships ngayon sa SM Mall sa Iloilo City.
Mga timbang sa men’s -58kg at -68kg at sa women’s -49kg at -57kg ang mga magsasagupa sa una sa dalawang araw na kompetisyon na nilahukan ng siyam na bansa.
Ang Korea na kung saan isinilang ang taekwondo ay magpapasok ng tatlong koponan na Dankook, An San at Suingshin.
Ang iba pang bisitang bansa na kasali ay ang US, Guam, Japan, Mongolia at Vietnam.
Sasandalan para sa unang mga medalya ng host country ay sina Jenar Torillos (-58kg) at Eddtone Bobb Lumasac (-68kg) sa kalalakihan at sina Levita Ronna Ilao (-49kg) at Daren Mae Ampon (-57kg) sa kababaihan.
Mangunguna sa delegasyong panlaban ng Philippine Taekwondo Association (PTA) sa kompetisyong may basbas ng World Taekwondo Federation (WTF) at suporta ng Philippine Sports Commission, SMART, SM at MILO, sina ASEAN Univesity Games gold medalists Francis Aaron Agojo, Benjamin Keith Sembrano at Samuel Morrison, ang mga Incheon Asian Games bronze medalist na sina Mary Anjelay Pelaez at 10th World Junior Taekwondo Championships silver medalist Irene Therese Bermejo.
Ang iba pang kasapi ay sina Paul Romero, Christian Al dela Cruz, Paul Ivan Colico, Lorenz Chavez, Kristopher Robert Uy, Wasber Rasad, Enrique Edgardo Mora, Aris Capispissan, Camille Bonje, Kirstie Elaine Alora, Pauline Louie Lopez, Clouie Bolinas, Gabrielle Yuchingtat, Meryll Mercado at Bea Muriel Go.