MANILA, Philippines - Gagawing isang corporate body na may iba’t ibang department heads ang Philippine Basketball Association.
Ito ang naging desisyon ng PBA board of governors, pinamumunuan ni chairman Patrick Gregorio ng Talk ‘N Text, sa executive session kahapon sa PBA office sa Libis, Quezon City.
Ang PBA ay isang liga na may 12 member ball clubs bukod pa ang 12 D-League teams na nagdaraos ng mga laro halos araw-araw, na baguhin ang kanilang organizational structure.
Sa nasabi ring pulong ay hinirang sina Gregorio, Rene Pardo ng Purefoods at Mert Mondragon ng Rain or Shine sa isang special committee na mag-aaral sa gagawing pagbabago sa organizational structure ng liga at ang pamumuno sa paghahanap ng PBA commissioner.
Ang ikaapat na magiging miyembro ng komite ay isang human resources professional.
Sa kasalukuyan, ang Commissioner ang nag-aasikaso sa PBA at PBA D-League at nasa kanyang ilalim ang four-man management committee na binubuo nina Willie Marcial (administration), Rickie Santos (operations), Odessa Encarnacion (finance) at Rhose Montreal (marketing).
Ang PBA board ang gumagawa ng mga resolusyon at ang commissioner ang nagpapatakbo sa liga.