MANILA, Philippines - Ang laban ni Floyd Mayweather Jr. kontra kay Marcos Maidana ang nagpapatunay na nabawasan na ang galing ng kasalukuyang pound-for-pound.
Ito ang sinabi ni Bob Arum na matibay ang paniniwala na mananalo si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa kanilang kinasasabikang pagtutuos sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Ayon kay Arum, bumagal na ang footwork ni Mayweather sa dalawang laban nila ni Maidana kaya’t pinagtatamaan siya at napahirapan sa bakbakan.
Dalawang beses nagkita sina Mayweather at Maidana noong nakaraang taon at kahit nagwagi ang una sa huli nalagay sa alanganin ang WBC at WBA welterweight champion lalo na sa unang tapatan dahil sa pamamagitan ng majority decision nagwagi si Floyd.
“I think Maidana showed that Floyd is becoming a lot more vulnerable that he was. As you age the first thing that goes is your legs and Floyd doesn’t have the mobility that he had before,” ani Arum sa Hustleboss.com.
Noon pa man ay sinasabi ni Arum na mahihirapan si Mayweather dahil sa istilong taglay ni Pacquiao.
Ang Kongresista ng Sarangani Province ay kilala sa mala-rapidong mga suntok at ang pagiging isang kaliwete ang dagdag bentahe nito.
“I’ve always liked Manny’s chances. I’ve always thought Manny had the style and ability to beat Floyd and I certainly feel that way now,” dagdag pa ng batikang promoter.
Naunang nagpalabas ng paniniwala na mananalo si Pacman ay si trainer Freddie Roach dahil higit na mas mabilis at mas malakas si Pacquiao sa walang talong katunggali.
Dahil sa nakikitang bentahe na taglay ng kanyang boksingero kung kaya’t sa pamamagitan pa ng knockout mananalo si Pacquiao.