MANILA, Philippines - Magiging kapana-panabik ang Philippine Superliga (PSL) na nakatakda sa susunod na buwan dahil sa pagpaparada sa mga Filipino-foreign recruits na inaasahang hahakot ng malaking bilang ng mga manonood sa venues.
Ito ang ipinangako ni league president Ramon “Tats” Suzara sa PSL All-Filipino Conference na bubuksan sa Marso 21 sa Mall of Asia Arena.
Ilan sa mga matutunghayan sa aksyon ay sina Filipino-Swiss Jennifer Salgado, Filipino-Americans Alexa Micek, Kayla Williams, Maureen Loren at Iris Tolenada.
Si Tolenada ang unang San Francisco State University player na hinirang na Most Valuable Player sa California Collegiate Athletic Association.
Makakaharap nila ang mga local players na kagaya nina Angeli Araneta ng UP, Pam Lastimosa ng UST at Denise Lazaro ng Ateneo, nasa kontensyon sa kasalukuyang UAAP season.
Nabanggit din sa semi-professional volleyball league sina NCAA standouts Rica Enclona, Janette Panaga, Janine Navarro at Michelle Segodine, naglalaro sa Adamson University sa UAAP.