MANILA, Philippines - Walong puwesto na lamang ang pag-aagawan para makumpleto ang mga paaralang maglalaro sa 2015 Seaoil-NBTC National High School Championships mula Marso 6 hanggang 8 sa Meralco gym.
Nasa 18 koponan na hinati sa 14 provincial teams at apat sa NCR ang maglalaban-laban para madetermina kung sino ang pinakamahusay na high school team sa bansa sa ligang isinasagawa kasama ang MVP Sports Foundation at idineklara ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) bilang kanilang opisyal na grassroots development program.
“We are truly excited with the forthcoming national finals where we again hope to witness the future of Philippine basketball as they showcase their young talent and skills,” wika ni NBTC program director Eric Altamirano
Ang mga koponan mula sa probinsya na pasok na ay ang Assumption College ng Davao, Southern City College ng Zamboanga, St. John Institute ng Bacolod, St. Roberts International School ng Iloilo, Sacred Heart School-Ateneo de Cebu at Sacred Heart of Jesus Montessori ng Cagayan de Oro.
Ang mga NCR teams na may upuan na ay ang MMBL champion Chiang Kai Shek College, San Beda Red Cubs at San Beda Team B.
Kukumpletuhin ng mananalo sa pagitan ng NU Bullpups at Ateneo Eaglets sa UAAP Finals ang mga maglalaro sa NCR.