MANILA, Philippines - Ipinakita ni Doha Asian Games gold medalist Antonio Gabica ang kanyang mabangis na porma para umabante sa Last 64 sa isinasagawang World 10-Ball Championships sa SM City sa General Santos City.
Unang tinalo ng 41-anyos na si Gabica si eight seed Liu Haitai ng China, 9-3 noong Martes bago isinunod si Karol Skowerski ng Poland, 9-8 kahapon para umabante mula sa winner’s bracket sa Group 4.
Seeded 121st sa 128-man roster si Gabica pero mas nais ito ng Pinoy cue artist na nagtatrabaho sa Qatar bilang isang billiards coach para hindi masyadong mapansin sa kompetisyon.
Noong 2013 ay muntik nang maging World champion si Gabica nang pumasok siya sa finals sa World 9-Ball na ginawa sa Qatar. Pero minalas siya at natalo kay Thorsten Hohmann ng Germany.
Ang iba pang pambato ng bansa na umabante ay sina Lee Van Corteza, Anton Raga, Raymund Faraon, Francisco Bustamante at Jerico Bonus.
Ang 25th seed na si Corteza ay nanalo sa isa pang Filipino player na si John Rebong, 9-5 para sa kanyang ikalawang sunod na tagumpay.
Si Bustamante ay nanaig kay Ivica Putnik ng Croatia, 9-3 habang si Bonus ay nangibabaw kay Marco Teutscher ng Netherlands, 9-7 para manatiling palaban sa titulo.
Ang top seed na si Chang Yu Lung ay umabante rin nang talunin si Petri Makkonen, 9-6.