Kandidato sa PBA commissioner sasalain ng selection committee

MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay kikilos na ang Philippine Basketball Association para sa paghahanap ng papalit kay Commissioner Chito Salud.

Magtatayo ang PBA Board ng selection committee na maaaring samahan ng isang independent member o “PBA outsider” bilang unang hakbang sa pagpili ng bagong PBA Commissioner.

Ito ay ilalahad sa idaraos na special meeting sa susunod na Huwebes.

Maglalatag ang PBA board ng kriterya na gagabay sa mabubuong selection committee sa paggawa ng shortlist ng mga kandi­dato para sa Commissionership.

Sinabi ni PBA board chairman Patrick Gregorio na may ideya na siya para sa nararapat na papalit sa posisyon ni Salud, tatapusin na lamang ang PBA Season 40.

“Based on my expe­rience, I agree with commissioner Chito that the man should have a marketing savvy, a trait that can help push the PBA to the next level. He should also be a crisis manager who can manage when things become emotional. It usually does in the PBA especially during the playoffs,” ani Gregorio.

Bukas ang PBA board sa lahat ng naglalabasang mga pangalan hinggil sa maaaring pumalit kay Sa­lud.

Ayon pa sa PBA chairman, ilang pangalan na hindi nababanggit sa mga ulat ang lumilitaw ngayon.

Kabilang dito ang mga pangalan nina PSC Commissioner Jolly Gomez at dating Baguio City Mayor Reinaldo Bautista.

Nariyan din sina Robert Jaworski, Ramon Fernandez, Chito Loyzaga, Lito Alvarez, Joaqui Trillo, JB Baylon at Buddy Encarnado. (Nelson Beltran)

 

 

Show comments