Hinablot lahat ni Oranza

Pinangunahan ni Ronald Oranza ang main peloton sa pagtawid sa Camiling sa Tarlac  Stage 1 ng Luzon qualifying round ng Ronda Pilipinas. Ernie

SAN JOSE, TARLAC, Philippines – Kung hindi magbabago ang timpla ng katawan, malamang na makikipaggitgitan si Ronald Oranza para sa titulo ng 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC.

Walang pinalusot na titulo si Oranza sa isinagawang Stage One ng Luzon qualifying na nagsimula sa Tarlac Provincial Capitol at nagtapos sa Monasterio de Tarlac dito.

Hinakot ng national team rider ang Sprint title at King of the Mountain bago isinunod ang stage win upang ilagay ang sarili sa mga puwedeng umagaw sa titulong hawak ni Reimon Lapaza sa karerang may basbas ng PhilCycling at may ayuda ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.

“Sana ito na ang maging taon ko,” wika ni Oranza na kinuha ang 138.9-kilometrong karera sa tatlong oras, 32 minuto at isang segundo.

Kapos ng 16 segundo si Elmer Navarro ng Cebu (3:32.17)  habang sina Jan Paul Morales, dating kampeon Santy Barnachea at John Mark Camingao ay nasa ikatlong puwesto sa 3:32:17 oras.

Halagang P25,000.00 ang naibulsa ni Oranza na kahit hindi sumali sa karerang may suporta pa ng Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp, Maynilad at NLEX ay pasok na rin sa Championship round bilang kasapi ng national team na naglaro sa Asian Cycling Championships sa Thailand kamakailan.

Magpapatuloy ang karera ngayong umaga  na magsisimula at magtatapos sa Antipolo City at tiyak na sisikapin pa ni Oranza na maipagpatuloy ang magandang ipinakita para walisin ang dalawang yugtong elimination na mapapanood sa TV5 at mapapakinggan sa Sports Radio bilang mga media partners.

Nasa 30 riders ang kukunin para isama sa Championship round na gagawin mula Pebrero 22 hanggang 27 at magsisimula sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna hanggang Baguio City.

Show comments