MANILA, Philippines – Naisakatuparan ng organizers ng 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC ang layunin sa isinagawang tatlong araw na Visayas qualifying.
Mga bagong mukha ang nakasama sa mga datihan na bumuo sa 40 siklistang umabante sa Championship round na gagawin mula Pebrero 22 hanggang 27.
“The real goal of Ronda Pilipinas is to discover new talents. This Visayas qualifier, we’re happy to see new faces and young riders, who made it to the Championship round,” wika ni Ronda executive director Moe Chulani.
Nanguna sa bagong mukha na natuklasan ay si Kenneth Solis na siyang kampeon sa Under-23.
Ang iba pang bagito ay sina Jaybop Pagnanawon at kapatid nitong si Jhunvie Pagnanawon bukod kay Cesar Lapaza Jr.
Ang mga Pagnanawon ay anak ng 1986 Marlboro Tour champion na si Rolando habang si Lapaza ay nakababatang kapatid ng nagdedepensang kampeon na si Reimon Lapaza.
Ang mga subok ng mga siklista na umabante ay sina overall champion Boots Ryan Cayubit, Marcelo Felipe, Irish Valenzuela, Baler Ravina, Cris Joven, Mark Julius Bonzo, Merculio Ramos Jr. at John Rene Mier.
Lilipat ang elimination sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi sa Luzon na gagawin mula Pebrero 16 at 17.