Bersamina, Soguilon PSA Milo Junior Athletes of the Year

MANILA, Philippines - Dalawang batang atleta sa larangan ng chess at swimming ang gagawaran bilang Milo Junior Athletes of the Year na isa sa tampok na mapapanood sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night na handog ng MILO at San Miguel Corp. sa Lunes sa 1Esplanade sa Pasay City.

Si International Master Paulo Bersamina at ang 10-taong gulang na tanker na si Kyla Soguilon ang siyang tatanggap ng parangal dahil sa impresibong resulta sa mga larong sinalihan noong 2014.

Si MILO sports executive Andrew Neri ang siyang maggagawad ng tropeo kina Bersamina at Soguilon na naipakita rin ang kahalagahan ng leadership, discipline, perseverance at integrity in life, para maabot ang tagumpay at magsilbing inspirasyon sa mga kabataan.

Ito ang ikatlong sunod na taon na magbibigay ng ganitong parangal ang PSA sa kaganapan na kung saan ang Meralco, Smart at MVP Sports Foundation ay mga principal sponsors at ang Philippine Sports Commission (PSC) bilang major sponsor.

Naging isang IM si Bersamina nang pangunahan ang U-20 division sa 15th ASEAN Age Groupp Chess Championships sa Macau habang si Soguilon ay naghatid ng karangalan sa dalawang malalaking torneo, kasama ang 16th Royal Bangkok swimfest na kung saan lumangoy siya ng anim na gintong medalya.

Show comments