MANILA, Philippines - Maraming boxing personalities ang nagsasabing si Floyd Mayweather, Jr. ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pang katiyakan kung matutuloy ang kanilang laban ni Manny Pacquiao.
Ngunit mariin itong pinabulaanan ng cable tv network na Showtime kung saan may exclusive contract ang American world five-division titlist.
“Not accurate. Floyd isn’t holding the deal up,” sagot ni Showtime Sports president Stephen Espinoza sa kanyang pagtatanggol sa tubong Grand Rapids, Michigan na si Mayweather.
Sinabi pa ni Espinoza na mismong si Mayweather ay gustong mapanalisa ang kanilang super fight ni Pacquiao.
Sakaling matuloy ang laban ay inaasahang tatanggap si Mayweather ng premyong $120 milyon, habang $40 milyon ang mapupunta kay Pacquiao base sa kanilang napagkasunduang 60/40 purse split.
Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong nakaraang Sabado ng gabi ay sinabi ni Pacquiao na malapit nang ihayag ang kanilang laban ni Mayweather.
Sa kanyang Instagram kamakalawa ay sinabi ni Pacquiao na magsisimula na siya ng paghahanda para sa laban niya.
Ngunit hindi niya binanggit kung si Mayweather ang kanyang tinutukoy.
Parehong may inihandang ‘Plan B’ ang mga kampo nina Pacquiao at Mayweather kung hindi na naman matutuloy ang kanilang laban.