SIPALAY CITY, Philippines – Malinaw na naiparating ni Jaybop Pagnanawon ang kanyang mensahe kung ang pagsali sa 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC ang pag-uusapan.
Hindi sinayang ng 26-anyos at tubong Talisay City, Cebu ang pagkakataong ibinigay sa kanya nang talunin sa rematehan ang mga subok nang sina Irish Valenzuela at Baler Ravina sa 172.7-kilometrong karera mula Dumaguete City hanggang Negros Oriental.
Solong tumawid sa meta si Pagnanawon at naorasan ng apat na oras, 25 minuto at 10 segundo para kilalaning kampeon sa Stage One ng tatlong yugtong karera na bubuo sa Visayas elimination.
“Gusto kong pumasok sa Championship round dahil gusto kong maging kagaya ng tatay ko dahil siya ang idol ko,” wika ni Pagnanawon na ang ama ay walang iba kundi ang 1986 Marlboro Tour champion na si Rolando Pagnanawon.
“Itinanim sa akin ng tatay ko na magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at ibigay lagi ang makakaya at ito ang ginawa ko ngayon,” dagdag pa ni Pagnanawon na kumarera kasama ang kapatid na si Junvie at pinsan na si Jetley.
Isang segundong kinapos ang dating kampeon na si Valenzuela (4:25:11) habang si Ravina ay may 4:25:12 oras.
Halagang P25,000 ang napasakamay ni Pagnanawon bukod pa sa P6,000 nang kunin din ang King of the Mountain title sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado pa ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.
Masusukat ang mga siklista sa Stage Two ngayon na Bacolod to Bacolod race dahil dalawang beses nilang tatahakin ang matatarik na ahunan sa Don Salvador Benedicto.
Nasa 50 siklista ang kukunin para sa Championship round mula sa Visayas at kailangan din nilang maabot ang qualifying time na itinakda ng organizer.
Ang iba pang siklista na nasa top ten ay sina Alvin Benosa (4:25:39), Boots Cayubit (4:26:02), Reynaldo Navarro (4:26:38), Kenneth Solis (4:26:43), Cris Joven (4:26:44), Leonel Dimaano (4:26:44) at Denver Csayuran (4:26:45).
Si Solis ang lumabas bilang pinakamahusay sa under-23 category habang si Edalson Ellorem ang nanguna sa 18-and-under division.
Sumusuporta rin sa karera ang Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang mga media partners.