MANILA, Philippines – Nasa Dumaguete City na si Martin Bruin na siyang magiging commissaire sa qualifying races para madetermina ang mga sasali sa championship round ng 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC.
Ang Dutchman ay dumating kahapon para makumpleto ang mga mahahalagang opisyales na mangangasiwa sa tatlong araw na karera sa Visayas.
Si Micky Rob, ang commissaire 2, Jamal Mahmoud ng Malaysia na siyang technical director at race officials Eduard Park ng Korea at Ji Jin Qui ng China ay dumating na rin para samahan sina Ronda executive director Moe Chulani, race director Ric Rodriguez at administration director Jack Yabut.
“The only unaccounted for are the participants whom we expect to arrive tomorrow,” wika ni Rodriguez.
Ang Visayas qualifying ay mula Pebrero 11 hanggang 13 sa Negros Island at 54 siklista, (kasama ang apat na juniors) ang tutukuyin dito.
Ang Luzon eliminations ay mula Pebrero 16 at 17 sa Tarlac City at Antipolo City habang ang Championship round na isang eight stage-six day tournament ay gagawin mula Pebrero 22 hanggang 27.
Seeded na sa championship round ang nagdedepensang kampeon na si Reimon Lapaza bukod pa sa mga national riders sa pangunguna ni Mark Galedo at ang European composite team.
Ang mga dayuhan ay puwedeng manalo sa stage races pero hindi sila kasali sa overall na kung saan ang best Filipino rider ay magkakamit ng P1 milyon premyo.