DAVAO CITY, Philippines – Wala nang makakapigil sa ALA Promotions ng Cebu sa pagdaraos ng magkasunod na malaking boxing card.
Bago pa matapos ang Pinoy Pride 29 kagabi ay inaabangan na ang susunod na edisyon nito sa March.
Babanderahan nina world champion Donnie Nietes at five-division titlist Nonito Donaire, Jr. ang susunod na ALA card sa March 28 sa MOA Arena.
Sinabi ni Dennis Canete, ang vice president ng ALA Promotions, na pinapanalisa na nila ang mga detalye sa nasabing boxing card na isang double-headliner tampok sina Nietes at Donaire.
Itataya ni Nietes, ang bagong longest-reigning Filipino boxing champion, ang kanyang WBO light-flyweight crown laban kay Luis Ceja ng Mexico.
Ito ang magiging pang-anim na title defense ni Nietes.
Ito rin ang unang laban ni Nietes matapos lampasan ang record ni Gabriel “Flash” Elorde, ang world champion mula noong 1960 hanggang 1967.
Nalampasan ni Nietes ang record na pitong taon at tatlong buwan na paghahari ni Elorde noong Dec. 31.
Magbabalik naman si Donaire makaraang mabigo kay Nicholas Walters ng Jamaica noong October sa Carson City, California.
Pinatulog ni Walters ang 32-anyos na si Donaire sa sixth round at naisuko ang WBA featherweight crown.
Sinabi ni Donaire na hindi siya nababagay sa featherweight class kaya siya magbabalik sa bantamweight class.
Lalabanan ni Donaire si William Prado ng Brazil sa kanyang pagbabalik. (AC)