MANILA, Philippines - Walang duda na ang National University ang siyang may pinakamakinang na istorya sa 2014 palakasan sa bansa.
Matapos ang 60 taon ay tinapos ng Bulldogs ang pagkauhaw na makatikim uli ng kampeonato sa UAAP baskeball nang talunin ang FEU Tamaraws sa titulo sa 77th edition.
Bago ito ay noon pang 1954 una at huling tumikim ng kampeonato ang Bulldogs sa liga at matapos nito ay nangungulelat na ang koponan upang maging katawa-tawa sa UAAP.
Pero dahil sa pagtitiyaga ni coach Eric Altamirano at ang magandang suporta mula sa SM Group of Companies, tumahol at nangagat uli ang Bulldogs.
Dahil sa ginawang marka, ang NU team ang siyang ginawaran ng President’s Award sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night na co-presented din ng Milo at San Miguel Beer sa Pebrero 16 sa 1Esplanade Mall of Asia Complex.
Makakasama ng Bulldogs ang Ateneo Blue Eagles, Philippine women’s bowling trio, dating world champions Rubilen Amit, Dennis Orcollo at Lee Van Corteza at taekwondo jin Mikaela Calamba na binigyan ng ganitong parangal sa seremonyang suportado rin ng Meralco, Smart at MVP Sports Foundation bukod sa ayuda ng Philippine Sports Commission (PSC).
Makikibahagi sa atensyon ang Bulldogs kasama si BMX rider Daniel Caluag na siyang tatanggap ng pinakatampok na parangal sa gabi na Athlete of the Year matapos ibigay ang natatanging ginto sa sa Incheon Asian Games.