MANILA, Philippines - Kailangang umalis ang Philippine Volleyball Federation (PVF) sa kanilang tanggapan na nasa loob ng Rizal Memorial Sports Complex.
Dapat gawin ito ng PVF matapos maglabas ng komunikasyon ang international volleyball federation (FIVB) na nagbibigay ng probationary recognition sa bagong tatag na Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP) na siya nilang kikilalanin bilang miyembro sa Pilipinas.
Lumiham si FIVB president Ary Graca sa POC para ipaalam ang bagay na ito at magiging opisyal ang basbas sa LVP kung maisagawa na ang eleksyon sa Pebrero 15.
“Kailangan ng PVF na umalis sa kanilang tanggapan dahil nagsalita na ang FIVB sa bagay na ito,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Ang mga NSAs na may basbas ng POC at international federation lamang ang puwedeng tulungan ng PSC at kasama na rito ang pagpapatira ng atleta at pagbibigay ng mga tanggapan sa NSAs sa pasilidad na pinamamahalaan ng ahensya.
Kasabay nito, hahakbang na ang pamunuan ng LVP para sa pagbuo ng palabang koponan sa dalawang malalaking kompetisyon na sasalihan ng bansa.
Una na rito ang Asian U23 Women’s Volleyball Championship sa Mayo sa Pilipinas bago sundan ng SEA Games sa Singapore sa Hunyo.
Kasama ni Romasanta bilang incorporators ng LVP sina POC 2nd VP Jeff Tamayo, POC Legal Counsel Atty. Ramon Malinao, POC consultant Chippy Espiritu at Shakey’s V-League president Ricky Palou.