MANILA, Philippines - Nasiyahan ang mga FIBA evaluation committee members na dumating sa bansa para suriin ang mga pasilidad na balak gamitin sakaling gawin sa Pilipinas ang 2019 FIBA World Cup.
Nanguna sa evaluation committee ay si Lubomir Kotleba na dumating noong Lunes ay binisita at tinuran niya na “highly competitive” ang bid ng bansa.
Kasama ni Kotleba sina FIBA director general sa media at marketing services Frank Leenders at FIBA director of events Predrag Bogosavljev.
Si FIBA secretary-general Patrick Baumann ay dumating din kahapon at ang mga FIBA officials ay aalis ngayong hapon.
Isang hapunan ang ibinigay ni SBP president Manny V. Pangilinan sa mga bisita kamakalawa at dumalo rin ang iba pang basketball stake holders sa bansa at government officials para sa malinaw na mensahe na nagkakaisa ang lahat sa hangarin ng bansa na tumayo bilang punong abala sa World Cup sa ikalawang pagkakataon lamang.
Taong 1978 nang unang isinagawa ang pandaigdigang tagisan sa basketball sa bansa pero magiging makasaysayan ang 2019 edisyon dahil 32 teams na ang maglalaro rito.
Limang venue ang balak na pagdausan ng kompetisyon at nangunguna rito ang Mall of Asia Arena sa Pasay City, ang bagong gawang Philippine Arena sa Bocaue at ang Smart Araneta Coliseum sa Quezon City na siya ring venue noong 1978.
Inikot na rin ng inspectors ang pagtatayuang basketball arena ng Solaire at sa SM Cebu.
Ang China, Qatar, Turkey at ang pinagsamang Germany at France ang mga katunggali ng Pilipinas sa hosting.